Share

CHAPTER 3.1

Tiningnan ko si Seb na ngayon ay nag lalagay sa push cart ng mga gusto niyang school supplies. May pera akong nakuha kagabi kaya iyon ang ipambibili ko ng gamit niya para sa eskwela.

"Ate marami na po ba yan?" Nag aalala niyang tanong matapos mag lagay ng tatlong notebook at dalawang lapis na lahat ay may cover ng paborito niyang cartoon character na si SpongeBob.

Umiling ako sa kanya at ngumiti.

"Kunin mo lang ang gusto mong kunin bibilhin natin lahat yan."

Kumislap ang mga mata niya at umikot para puntahan ako.

"Talaga ate marami ka bang napasakay na pasahero kahapon?" Inosente niyang tanong.

"Hmm. Marami kaya marami rin tayong pang bili ngayon."

"Ibig sabihin pwede rin akong kumuha ng sharpener at yung pencil case na may second floor?"

Ano raw?

"Second floor?" Kunot noo kong tanong.

"Oo Ate, yung pencil case na may lalagyan sa taas tapos kapag binuksan mo meron pa sa baba. Second floor po."

Napasapo ako sa noo ko at tumawa na lang. Juskong second floor yan Seb!

"Ate bakit?" Tinagilid niya ang ulo niya, nagtataka kung bakit ako tumatawa.

"Wala, kunin mo na yung pencil case na gusto mo kahit na third floor pa yan."

"Hala yehey! Salamat Ate!"

Niyakap niya ako sa binti at nginitian ng pagka tamis tamis. Kinurot ko ang ilong niya.

"Basta mag aaral ng mabuti ah, gusto ko palagi kang very good sa klase."

"Yes ma'am!" Sumaludo pa ang bubwit bago kinuha ang mga gamit na gusto niyang kunin.

Pero huminto ako sa pagsunod sa kanya ng makitang tiningnan niya ang isang mechanical pen pati na rin ang isang sketch pad bago ako nilapitan.

"Ate diba po ito yung ginagamit mo sa bahay pag nag da-drawing ka? Idinikit na 'coponban' na lang yung laman nang sayo eh, tapos monggol na lapis na lang ang ginagamit mo. Ate, mahal po ba 'to?

Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko at bigla ay nag tubig ang gilid ng mga mata ko.

Wala sa sarili akong tumango sa kanya. At nilingon niya ang mga gamit niyang inilagay sa push cart.

"Wag na lang yung second floor na pencil case Ate, bilhin na lang natin 'tong mga gusto mo."

Tuluyan ng tumakas ang mainit na luha sa mga mata ko ng marinig ang sinabi niya.

Tama siya no'ng sinabi niyang idinikit na bond paper na lang ang laman ng sketch pad ko at simpleng monggol pencil lang ang gamit ko sa bawat sketch na ginagawa ko kasi ubos na rin ang mga pahina ng sketch paper at wala na rin yung mechanical pen  binigay lang naman 'yon ni Bingo para sa birthday ko eh at sayang naman sa pera kung bibili pa ako.

Pinahid ko ang takas na luha sa mata ko at pinigilan siyang alisin ang mga inilagay niya sa push cart.

Lito niya akong tiningnan pero ngumiti na lang din ng makita akong ngumiti.

"H-hindi na Seb, kaya kong isantabi ang pangarap ko matupad ko lang ang sa'yo."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status