Share

Patalsikin si Ms. Dayo!
Patalsikin si Ms. Dayo!
Author: magayonloves

Simula

Habang inililibot ang mata sa field at sa kung saan-saan pa, nahagip ng aking mata si Meriah na mukhang kapapasok lang muli dahil sa gate ito nanggaling. Marahil ay doon siya kumain ng tanghalian sa labas. Nakasuot na naman ito ng earphones. Nakakapanibago ang lakad nito dahil may kabagalan ngunit 'di nawawala ang magandang tindig, diretsong tingin, at pagkakataas-noo sa bawat hakbang. Hindi tulad noong mga nakaraan na akala mo ay laging nagmamadali. Siguro ay alas tres y medya pa ang sunod nitong klase.

Wala naman akong ibang mapagkakaabalahan kaya naman sinadya ko pa siyang obserbahan. Hindi siya tumitingin sa kahit na sino sa nadadaanan samantalang ang mga nakakasalubong at nakakasabay niya ay napapatitig sa kaniya. Tila wala itong pakialam sa paligid niya.

Hindi mayabang ang kaniyang dating ngunit mapapansin mong nagmula siya sa may class na pamilya - sa mayamang pamilya. Sa gamit, tindig, galaw at itsura ay masasabi mong mayaman talaga sila.

"Ano kaya ang naisipan ng babaeng 'yan kung bakit lumipat dito sa ABU?" Nilingon ko si Andeng na nakapatong ang siko sa nire-review nito at nakapangalumbaba. Nakatingin na rin pala ito kay Meriah.

"Bakit hindi mo tinanong noong nagpakilala siya?" tanong ni Jef habang nakatuon pa rin ang atensyon sa binabasa.

"What else do you want to know about me?" nanunuyang panggagaya ni Nat sa sinabi ng bagong estudyante noong nagpakilala ito sa unang araw ng klase. "Sus, matapos niyang laitin 'tong school natin, ngayon dito siya mag-aaral? Ano ngayon kung public school 'to? Ang bunganga niya ang may virus! Hindi ang school natin!"

"Minaliit pa nga tayo n'yan, e," gatong pa ni Nat.

Muli kong naalala ang katalasan ng dilang ipinamalas ng bagong estudyante.

"Wow!" aniya, tila 'di makapaniwala sa nangyayari. "You're so rude! Wait, what are you?" Tiningnan ako mula ulo hanggang paa at sumunod na tiningnan ang logo sa uniporme ko. "Ha! I knew it. You're from public school. And why are you here by the way? You like it here? You're dreaming of studying here? Well, get lost! Di ka bagay dito kaya h'wag kang presko. Take note of this: Stay on your school, don't ever comeback, and never spread that school's virus again!"

"Hayaan niyo na 'yan. Kinain lang niya ang mga sinabi niya," saad ko matapos ang pag-alala sa nangyari.

"Hayaan?" 'di makapaniwalang tanong ni Nat. "Ikaw nga itong harap-harapan niyang binugahan ng apoy, e! Nilait ka tsong! Nilait! Damay buong populasyon ng ABU!"

"Hindi nararapat dito 'yan," may diing tugon ni Andeng.

"Ano naman ang gagawin niyo kung gayong narito na 'yan?" tanong ni Jef kay Nat at Andeng.

"Patalsikin ang dayo!" anila.

Napalingon kami sa dalawa, inaabangan ang susunod na sasabihin pero wala. Nagkatinginan kami ni Jef. Seryoso sila.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status